Thursday, November 17, 2011

Bago ang kanyang pagdalo sa 19th ASEAN Summit sa Bali, Indonesia













From the Website of GPH-Government
Links:  http://www.gov.ph/2011/11/17/statement-of-president-aquino-before-departure-for-the-19th-asean-summit-in-indonesia-november-17-2011/


Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Bago ang kanyang pagdalo sa 19th ASEAN Summit sa Bali, Indonesia
[Inihayag sa Villamor Airbase noong ika-17 ng Nobyembre 2011]


Vice President Jejomar Binay; His Excellency Yohanes Kristianto Soeryo Legowo, Ambassador of the Republic of Indonesia; members of the Cabinet present; Mayor Tony Calixto; Representative Emi Calixto-Rubiano; Chief of Staff, General Eduardo Oban; Police Director General Nicanor Bartolome; service commanders present; Admiral Ramon Liwag of the Coastguard; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen, good morning.

Matapos po ang matagumpay nating pagdalo sa 19th APEC [Asia-Pacific Economic Cooperation] Economic Leaders Meeting sa Hawaii nitong nakaraang linggo, bibiyahe naman po tayo ngayon sa Indonesia upang dumalo sa 19th ASEAN [Association of Southeast Asian Nations] Summit. Bilang isa sa mga tagapagtatag ng organisasyong ito noong 1967, napatunayan na po natin ang halaga ng pagbibigkis ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa mga aspektong politikal at pangkabuhayan. Lilinangin pa po natin sa pulong na ito ang mayaman nang ugnayan ng mga bansa sa rehiyon, at sama-samang tutugunan ang mga problemang kinakaharap natin sa kasalukuyan.

Kasama ang mga pinuno ng ating mga karatig bayan, tatalakayin po natin ang mga usaping bumabagabag sa rehiyon tulad ng sa kapakanan ng ating migrant workers, trafficking in persons, maritime security, at usaping pangkapayapaan.

Makakasama din natin dito ang mga lider ng iba pang mga bansa gaya ng Tsina, Japan, Korea, India, at Amerika. Susulitin natin ang mga oportunidad na ito upang plantsahin ang anumang gusot sa ating mga bansa at upang patatagin pa ang ating samahan. Sa pakikipagpulong natin sa kanila, paiigtingin po natin ang pagtutulungan natin sa larangan ng maritime security, disaster management, pagsugpo ng mga krimen at terorismo, pangangalaga sa kalikasan, at pakikipagkalakal.

Tiwala tayo sa pagkilala ng buong mundo sa napakagandang pagkakataong mangalakal sa ating bansa, bunsod ng patas at maaliwalas na sistemang pangnegosyong pinaiiral natin sa kasalukuyan. Hindi lang po ang mga negosyante ang makikinabang dito, dahil katumbas ng ipapatayo nilang negosyo ay ang pagbubukas ng oportunidad para sa maraming Pilipinong makapagtrabaho at iangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

Ipapaabot din po natin sa Thailand at Cambodia ang ating pakikiramay sa mga biktima ng nangyaring malawakang pagbaha sa kanilang bayan. Alam naman po natin ang hirap at pagdurusa na idinudulot ng ganitong mga kalamidad, lalo pa’t madalas din natin itong maranasan dahil sa kaliwa’t kanang pagbisita ng bagyo sa atin pong bansa. At alam din naman natin na sa mga trahedyang tulad nito, sinusukat ang tibay at tatag ng atin pong bayanihan.

Sa pakikipagtulungan po natin sa ating mga karatig bayan, mapapadali ang pagtugon sa mga problemang nagisnan natin at sa mga umuusbong pang hamon at suliranin sa rehiyon. Sa mga pagkakataon din pong tulad nito, naipapakilala natin ang bagong Pilipinas—malayo sa Pilipinas na binabatikos dahil sa katiwalian at hinahamak ng kahirapan.

Maganda na nga po ang simoy ng hangin sa ating bayan dahil sa malinis nating mga adhikain at mabubuting bunga ng ating pagbabagtas sa tuwid na landas. May tiwala ang mga Pilipino sa ating makabuluhang serbisyo-publiko, at pataas pa nang pataas ang kompiyansa nating umarangkada. Pinapatingkad at pinapalawak po natin ang potensyal ng ating bansa para sa tuloy-tuloy nitong pagbangon at pag-usad. Ipagpapatuloy natin ang puspusang pagsusumikap dito sa ating bayan at sa iba pang bansa upang lalo pang maipakilala ang bagong sigla at umaaliwalas na buhay sa Pilipinas. Sa atin pong pagtutulungan, malayo pa ang ating mararating, at marami tayong maaabot na mga mithiin.
Maraming salamat po. Magandang umaga po sa lahat.





0 comments:

Post a Comment