links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/01/kundenahin-ang-malawakang-opensiba-at.html#more
Kundenahin ang malawakang opensiba at pagtatalaga ng tropa ng AFP sa kabila ng tigil-putukan
Partido Komunista ng Pilipinas
6 Enero 2012
Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Aquino sa paglulunsad ng malawakang opensiba at sa pagtatalaga ng mga armadong tropa nito laban sa mga rebolusyonaryong base at sa Bagong Hukbong Bayan sa kabila ng pansamantalang sabayang tigil-putukan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GPH).
Batay sa mga ulat mula sa mga kumand ng Bagong Hukbong Bayan sa mga erya, may lumilitaw na padron ng paunang pagpapakat ng tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng mga espesyal na pwersa ng pulisya na malinaw na paghahanda para sa isang todo-todong opensiba sa pagtatapos ng kasunduan sa tigil-putukan sa Enero 15.
Tinutuligsa ng PKP ang mapanlansing pahayag ng Malacañang at ng AFP na nagsasabing matapat nilang sinusunod ang kasunduan para sa pansamantalang sabayang tigil-putukan habang isinasagawa ang mga opensibong operasyon sa tabing ng tinaguriang mga operasyong "peace and order". (Tingnan ang pinakahuling ulat sa ibaba.) Halatang-halata na sinasamantala ng AFP ang tigil-putukan upang buong-layang isagawa ang malawakan at malakihang operasyon dahil batid nilang magpipigil ang mga yunit ng BHB sa paglulunsad ng mga kontra-atake bilang pagtalima sa pansamantalang kasunduan ng tigil-putukan.
Ang patuloy na mga operasyong kombat, pagtatalaga ng mga tropa, militarisasyon at pagpapaigting ng operasyong paniktik sa mga komunidad sa kanayunan ay bahagi lahat ng pinaigting na kontra-rebolusyonaryong opensiba ng rehimeng Aquino ngayong taon. Bahagi lahat ito ng kapanyang panggerang Oplan Bayanihan nito upang wasakin ang Bagong Hukbong Bayan sa kalagitnaan ng taon, at ipasa ang tinaguriang mga operasyong counter-insurgency mula sa AFP tungo sa Philippine National Police (PNP).
Matingkad na naiiba sa todong paglapastangan ng AFP sa pansamantalang sabayang tigil-putukan, ang lubos na pagtalima ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan at milisyang bayan sa kautusan ng Komite Sentral na ihinto at umiwas sa pagsasagawa ng mga operasyong opensibo. Pawang walang batayan at kasinungalingan ang mga bintang na paglabag ng BHB sa deklarasyon ng tigil-putukan ng PKP na inimbento ng AFP sa pamamagitan ng mga utusang-US na tagalubid ng kasinungalingan. (Tingnan ang kaugnay na pahayag.)
Ulat ng mga opensibong operasyon ng AFP na paglabag sa kasunduan sa sabayang tigil-putukan
1. Simula Disyembre, ginagalugad ng mga elemento ng 57th at 40th IB ang mga baryo ng Old Bulatukan, New Israel at Biangan, pawang sa Makilala, North Cotabato at ipinwesto ang dalawang kanyong 105 howitzer na nakatutok sa Larangang Gerilya 51 at 72 ng BHB.
2. Nagtalaga ng tatlong seksyon ng sundalo ang 10th ID sa bawat barangay sa pagitan ng Mapula hanggang Barko-barko, Lumiad hanggang Riverside at sa Pandaitan, lahat sa Paquibato District, Davao City.
3. Nagtayo ng mga teskpoynt ang 10th ID sa mga daan patungong Paquibato upang pigilan ang mga bisita na makadalo sa mga pagtitipong masang nakatakda upang gunitain ang anibersaryo ng PKP noong Disyembre 26.
4. Patuloy na sinisindak ng mga elemento ng 69th IB at 84th IB ang mga residente ng Purok Isled, Barangay Damilag sa Calinan, Davao City upang pwersahin silang iulat ang kinalalagyan ng mga lokal ng yunit ng BHB.
5. Inaresto ng mga elemento ng 74th IB ang limang lokal na magsasaka noong Disyembre 21 sa Mulanay, Quezon at inakusahan silang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
6. Inaresto noong Disyembre 25 ng mga elemento ng 302nd Brigade at lokal na pwersa ng pulisya sa Manjuyod, Negros Oriental si Oligario Sebas, na inakusahan ng militar na si Felimon Mendrez na diumano’y mataas na lider ng rebolusyonaryong kilusan.
7. Inaresto ng mga elemento ng Cagayan Valley Regional PNP noong Disyembre 28 sa Bagumbayan, Tuguegarao City si Rene Esmondo Abiva na pinagbibintangan din ng militar na diumano’y rebolusyonaryong lider.
8. Noong Enero 1, pinasok ng tatlong platun ng 84th IB ang Barangay Tambobong, Baguio District, Davao City at nag-operasyon sa lugar. Noong Enero 3, pinalaki pa ang pwersa mula sa ibang tropa, pwersahang pinalikas ng 84th IB ang 125 pamilya, pinagbawalan ang pagtatrabaho sa mga plantasyon at kinontrol ang paghahatid ng bigas at iba pang pagkain sa lugar.
9. Ilang oras bago mag-Disyembre 16, sa pagsisimula ng deklarasyon ng tigil-putukan ng rehimeng Aquino, palihim na pinasok ng isang platun ng 31st Infantry Battalion ang Barangay Hamorawon, Bulan, Sorsogon. Sa loob ng ilang araw, sinuyod nito ang mabundok na lugar hanggang sa may hangganan ng mga bayan ng Bulan at Irosin, bago bumalik sa kanilang kampo.
10. Naglunsad ng operasyong kombat ang mga elemento ng PNP Regional Public Safety Battalion (dating Regional Mobile Group o RMG) sa Barangay Macahoy, San Pascual, Masbate noong Disyembre 24 at 25. Noong Disyembre 28 at 29, niryed ng tropang ito ang bahay ng isang pamilya ng magsasaka sa Barangay Mabini na pinaghihinalaang aktibo sa rebolusyonaryong kilusan.
11. Noong Disyembre 23, dinukot ng mga elemento ng PNP Milagros, Masbate City at ng mga tropa 9th Infantry Battalion sina Olalio Gonzaga, 32, ng Barangay Bolo, Masbate City at si Noel Espinosa, 37, isang barangay tanod sa Barangay Miabas, Palanas, Masbate.
12. Noong Enero 2, pinasok ng mga elemento ng 2nd IBPA ang Barangay Sta. Cruz, Donsol, Sorsogon at naglunsad ng operasyong kombat laban sa Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa lugar.
13. Patuloy na naglulunsad ng mga tinaguriang "peace and development teams" ng AFP ang paniniktik at operasyong saywar sa humigit-kumulang 40 barangay sa Bicol.
CPP/NPA/NDF Website
http://theprwcblogs.blogspot.com/
http://www.philippinerevolution.net/
http://www.ndfp.net/joom15/
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/
http://www.philippinerevolution.net/
http://www.ndfp.net/joom15/
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/01/kundenahin-ang-malawakang-opensiba-at.html#more
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
--------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
0 comments:
Post a Comment