Sa isang naunang pahayag, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pumapatay ng abereyds na isang sibilyan ang Bagong Hukbong Bayan kada linggo sa naganap na 374 na marahas na mga pangyayari noong 2012. Ito, at ang pahayag na sadyang pinuntirya ang mga sibilyang namatay sa pangyayari noong Enero 27 sa La Castellana, ay pawang mga kasinungalingan at purong pagtatangkang saywar na layong siraan ang rebolusyonaryong kilusang mapagpalaya sa bansa na kinakatawan ng NDFP.
Para sa kalinawan, ang mga datos na pinalalaganap ng AFP ay hindi totoo, sa pinakamenos, at napakaliit kung ikukumpara sa bilang ng mga paglabag sa internasyunal na makataong batas na nagawa ng armadong pwersa ng GPH. Sa ilalim lamang ng administrasyong Aquino, may 748 na mga paglabag sa internasyunal na makataong batas ang naitala mula sa reklamong laban sa GPH na isinampa sa Joint Monitoring Committee (JMC).
Ang paggamit, okupasyon o pag-atake sa mga pribadong tahanan, eskwelahan at iba pang pampublikong lugar (halimbawa, mga day care ceter at barangay hall) ay ang nagungunang paglabag laban sa mga sibilyan, na mayroong naitalang 146 na mga insidente. Hindi pa kabilang dito ang paggamit sa Sadanga National High School sa Mountain Province ng mga elemento ng 54th Infantry Battalion ng Philippine Army bilang detatsment ng militar mula pa noong 2009, na iniulat ng Human Rights Watch (HRW) noong 2011.
Ang iba pang karaniwang mga paglabag ay: pagnananakaw ng ari-arian, 121 kaso; pagpatay, 102 kaso; paninira ng ari-arian, 87 kaso; at pwersahang pagpapalikas at pagpapalayas, 72 kaso, na lahat ay ginawa sa ngalan ng mga operasyong militar at paramilitar laban sa mga sibilyan at komunidad na pinagsusupetsahang sumusuporta o nasa ilalim ng impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan.
Iba pang tala ng mga paglabag sa internasyunal na makataong batas:
walang patumanggang pagpapaputok, pamamaril, pagpapasabog at paghuhulog ng bomba sa mga komunidad ng sibilyan (51 kaso), kung saan apat (4) na sibilyan ang namatay; paggamit ng sibilyan bilang giya at/o pananggalang sa mga operasyon ng pulisya, militar at paramilitar (34 kaso); pagsasamantala sa mga bata sa konteksto ng armadong tunggalian (19 kaso) pwersahang pagrekluta o sapilitang pagpapasundalo sa mga bata (14 kaso); at ang pagbubuo, pagmantine at pagsuporta sa mga grupong paramilitar sa loob ng mga komunidad ng sibilyan (siyam na kaso).
Mayroong ding mga sibilyan na bukod sa pwersahang napalayas sa kanilang mga tahanan, ay kolektibong nakaranas ng pagkakait ng makatao at atensyong medikal (siyam na kaso), pagblokeyo sa pagkain at pangangailangang pang-ekonomya (limang kaso), at hamletting (dalawang kaso).
Ang mga nasawi na mga rebolusyonaryong mandirigma, na may mga karapatan bilang hors d'combat sa ilalim ng internasyunal na makataong batas, ay dumanas ng pagmamalupit sa kamay ng mga pwersang panseguridad ng GPH. May apat ding nakapangingilabot na kaso ng pamumugot at paglapastangan sa mga patay at pagtangging isuko ang mga labi ng mga myembro ng BHB na napaslang sa labanan.
Inililigaw ng GPH ang atensyon ng taumbayan sa mga kahina-hinagpis na katotohanang ito-- mga krimen sa digma sa pagpapatupad ng Oplan Bayanihan, ang "counter-insurgency" na estratehiyang militar na dinisenyo ng US. Subalit di malilinlang at maililigaw ng saywar na propaganda ng GPH ang mamamayan. Sila ay mga saksi sa katotohanang mga kriminal sa gera ang mga armadong pwersa ng GPH at nangungunang lumalabag sa internasyunal na makataong batas. Walang anumang panlilihis sa balita ang makapagbabago sa katotohanang ito.
Muli, ipinapaalala sa gubyernong Aquino na ito ay responsable sa mga lansakang paglabag na ito sa internasyunal na makataong batas at sa mga karapatang-tao. May pananagutan ito sa ilalim ng unibersal na katanggap-tangap na mga alituntunin sa digma at internasyunal na makataong batas, maging sa mga kasunduang pinasok ng GPH sa NDFP. Kaya, dapat nitong harapin ang mga paglabag na ito, tumalima sa komitment nito sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at serysong suungin ang usapang pangkapayapaan upang lutasin ang mga ugat ng armadong tunggalian.