links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/03/kundenahin-ang-rehimeng-aquino-sa-pag.html
Kundenahin ang rehimeng Aquino sa pag-eendorso ng todo-todong panunupil sa mga armadong Pilipino sa Sabah
Partido Komunista ng PilipinasMarso 05, 2013
Translated from: Condemn the Aquino regime for endorsing all-out suppression of armed Filipinos in Sabah
Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Aquino sa pag-eendorso ng lahatang-panig na panunupil ng Malaysia laban sa maliit na grupo ng mga armadong Pilipino sa baybaying distrito ng Lahad Datu sa Sabah. Ang armadong pangkat na ito ay idineploy ng mga tagamana sa Sultanato ng Sulu ilang linggo na ang nakaraan, sa hangaring itulak ang paggigiit sa Sabah, na bahagi rin ng teritoryal na hangganan na nakasaad sa mga batas ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas.
Hindi lamang tinalikdan ng rehimeng Aquino ang sigaw para sa isang determinadong pagsisikap na habulin ang pang-angkin ng Pilipinas sa teritoryo ng Sabah, binatikos din nito ang mga tagapagmana ng Sultanato ng Sulu sa pagdedeploy ng kanilang armadong tagasuporta at iginiit pa ang kanilang walang kundisyong pagsuko sa pulisya at armadong pwersa ng Malaysia. Sa imbing pagsisikap na bigyang-matwid ang patakaran nito, kinwestyon ng rehimeng Aquino ang mga heredero ng Sultanato ng Sulu at pinalalabas na may "pang-uupat" ng, at "pakikipagsabwatan" sa, mga pampulitikang pwersang anti-Aquino.
Gayunpaman, nagtagumpay lamang ang rehimeng Aquino sa ibayong pagpapaalab sa mga heredero at mga armadong kabig ng Sultanato ng Sulu. Isinara na nito ang pintuan para sa isang mapayapang resolusyon ng armadong sitwasyon sa Sabah, na naglatag ng daan para sa pang-aatake ng armadong pwersa ng Malaysia laban sa armadong pangkat ng mga Pilipino sa Sabah.
Binabatikos din ng PKP ang todo-todong armadong pang-aatake ginawa noong mga nakaraang araw ng armadong pwersa ng Malaysia, hindi na lamang laban sa mga pangkat ng armadong Pilipino, kundi maging sa mga Pilipinong naninirahan sa Sabah, na nagresulta sa pagkamatay ng ilang Pilipino, kabilang ang isang lider relihiyoso sa bayan ng Semporna. Isinasailalim ngayon ang mga komunidad ng Pilipino sa Sabah sa panghaharas at panunupil ng mga armadong pwersa at pulis ng Malaysia.
Kung mayroon mang pinatitingkad ang buong kabanatang ito, iyon ay ang patuloy na pagkabigo ng rehimeng Aquino na ipagtanggol ang kapakanan ng mga Pilipino--kapwa yaong interes ng mga tagapagmana ng Sultanato at mga komunidad ng mga migranteng Pilipino, hindi lamang sa Sabah, kundi saan mang dako ng mundo. Ilang taon nang pinabayaan ng gubyerno ng Pilipinas ang mga Pilipino sa Sabah. Kaya, isang kaipokritohan para kay Aquino na palabasing itinataguyod nito ang interes ng mga Pilipino sa Sabah sa paggigiit nito ng pagsuko ng armadong pangkat ng Sultanato ng Sulu.
Mayroong di kukulangain sa 800,000 Pilipino sa rehiyon, o mahigit 20% ng populasyon ng Sabah. Marami sa kanila ay di dokumentado at walang nasyunalidad na napadpad sa Sabah sa paghahanap ng trabaho at upang takasan ang marahas na kampanyang militar laban sa nakikibakang mamamayang Moro. Karamihan sa kanila ay nauwi sa pagtatrabaho sa malalaking plantasyon ng goma at palm. Dahil sa kanilang kalagayan ng pagiging iligal na migrante, isinasailalim sila sa matinding pang-aapi at mapagsamantalang mga kundisyon. Malaking usapin ang kanilang kalagayan at dapat matamang ilantad.
Binibigyang-pansin ng PKP ang pag-angkin sa Sabah na iginigiit ng Sulatanato ng Sulu sa ngalan ng sambayanang Pilipino. Pinapansin nito na ang paggigiit na ang rehiyon ay dating bumubuo sa teritoryo ng North Borneo na iginawad sa sultanato noong ika-16 na siglo at pagkatapos ay ipinaupa sa British North Borneo Company at ipinasa sa gubyerno ng Malaysia mula noong 1963. Batid rin ng PKP ang paghahabol ng iba pang entidad, maging ang naging pulitikal na kapangyarihan dito ng gubyerno ng Malaysia. Maaaring magkaroon ng pagsasaayos sa mga pag-angkin at kontra-pag-angkin sa paraang katanggap-tangap at kapaki-pakinabang sa lahat ng partidong sangkot.
Sa harap ng pagtanggi ng gubyerno ng Pilipinas na ipursige ang paghahabol, maaaring makipagtulungan ang mga demokratiko at patriyotikong pwersa sa mga Pilipinong umaangkin upang makatulong sa pagpupursige dito sa iba't ibang pulitikal at diplomatiko at iba pang posibleng larangan, kabilang ang posibilidad ng pagsasampa ng alitan sa isang korteng internasyunal. Maaari ring magkaroon ng nagkakaisang pagsisikap para patampukin ang kalagayan ng inaaping mga manggagawa at manggagawang bukid sa Sabah.
Kaalinsabay, dapat hikayatin ng mga progresibo at demokratikong pwersa ang mga umaangkin sa Sabah na makipagkaisa sa iba pang sektor ng sambayanang Pilipino sa matatag na paggigiit para sa isang independyenteng patakarang panlabas at sa karapatan ng bansa sa pagpapasya-sa-sarili kung saan, ang teritoryal na integridad at ang nakapangyayaring kapasyahan ng mamamayan ay bibigyan ng pangunahing pagpapahalaga. Pangunahin nilang iginigiit ang pagwawakas sa dayuhang interbensyong militar, partikular ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement at sa Mutual Defense Treaty sa United States na nagpapahintulot sa permanenteng pag-istasyon ng mga tropa ng US, ng paulit-ulit na pagdaong ng mga barkong pandigma ng US at ang paggamit sa himpapawid ng Pilipinas para sa pagpapalipad ng mga jet fighters at drones ng US.
Ang patakarang panlabas ng rehimeng Aquino ay sunud-sunuran sa mga dikta ng gubyerno ng United States at itinatakda hindi ng interes ng pambansang kalayaan kundi ng pulitikal at panteritoryong interes ng US. Aktibong isinusulong ng gubyerno ng US ang tinatawag na prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front sa layong magpapasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa mga erya ng Moro sa kapinsalaan ng aspirasyon ng mamamayang Moro sa pagpapasya-sa-sarili.
Hangga't ang Pilipinas ay nasa ilalim ng papet na rehimen ng imperyalistang US, hindi ito matatag na makakatayo para igiit ang pag-angkin nito sa iba pang pinag-aawayang teritoryo.
links:
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
0 comments:
Post a Comment