links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/08/pinagpapasasaan-ni-aquino-ang-kabang.html#more
Pinagpapasasaan ni Aquino ang kabang-yaman ng bayan
Editoryal
Ang Bayan
Agosto 21, 2013
Ang Bayan
Agosto 21, 2013
Sinusuportahan ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang panawagan ng mamamayang Pilipino laban sa ipinapanukalang makadayuhan, anti-mamamayan, tiwali’t bulok na programa ni Aquino ng paggastos sa kabang-yaman ng bayan sa susunod na taon.
Matapos ang tatlong taon, said na ang bisa ng mga salita at hungkag na programang pampasiklab ni Aquino. Ang kaliwa’t kanang pagtuligsa sa panukalang badyet ni Aquino para sa 2014 ay nagpapamalas na di na sila basta nahehele ng mga pangako ni Aquino ng malinis na pamamalakad ng gubyerno.
Walang nakikita ang mamamayan na pagbabago sa sistema ng pagbabadyet at paggastos. Pinakaagaw-pansin ang patuloy na paglalaan ng napakalaking pondong panlangis ni Aquino sa mga pulitiko—ang tinaguriang “pork barrel” na nasa ilalim ng “Priority Development Assistance Fund” (PDAF). Ang pondong ito’y karaniwang napupunta lamang sa mga pulitiko sa anyo ng mga kikbak sa mga proyektong obras publikas o pagbubulsa ng pondong inilalaan sa mga pekeng programa ng mga bogus na organisasyon.
Ang “pork barrel” ay matagal nang bahagi ng bulok na palakad ng naghaharing sistemang pampulitika sa Pilipinas. Itinuro ito sa mga reaksyunaryong pulitiko sa Pilipinas ng kanilang mga imperyalistang among Amerikano at sinimulang gamitin mula nang itatag ang neokolonyal na estado noong 1946.
Ginagamit ito ng naghaharing pangkatin upang tiyaking makuha ang suporta ng mga senador at kongresista sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa kanila sa pandarambong sa kabang-bayan. Oras na matanggap nila ang kanilang “pork barrel,” karaniwan na silang nagbubulag-bulagan at tumatahimik sa harap ng malaking pagnanakaw, korapsyon at iba’t ibang anomalyang kinasasangkutan ng Malacañang.
Sa harap ng malaking iskandalo, inanunsyo ni Aquino ang pagsuspinde ng pamimigay ng pork barrel, pero hindi ang tuluyang pag-aalis nito. Sa kabilang panig, binibigyang-matwid ni Aquino ang pagkakaroon ng sariling “pork barrel” ng Malacañang, sa anyo ng “special presidential fund” na ilang ulit na mas malaki kaysa pondo para sa mga kongresista. Bagamat hindi bago ang pagkakaroon ng presidente ng pondong nasa kanyang kontrol, sa ilalim ni Aquino ay lumaki ito nang mahigit 100% mula noong 2011.
Ipinamamalas ni Aquino na wala siyang pinagkaiba sa dati nang mga naghari sa bulok na reaksyunaryong estado sa tusong paggamit ng kabang-yaman ng bayan para sa sariling kapakanang pampulitika at bentahe sa ekonomya at kabuhayan.
Tulad nina Arroyo o Marcos, Ramos o Estrada, o ng kanyang inang si Corazon Aquino, eksperto rin si Aquino at ang kanyang pangkatin sa paggamit ng badyet ng reaksyunaryong estado para patatagin ang kanilang paghahari, pasunurin ang mga pulitiko, ipitin ang kanilang mga karibal at pagpasasaan ang mga pribilehiyo.
Ang programa sa paggastos ng rehimeng Aquino ay malaking paglustay sa kabang-yaman ng bayan. Sinasalamin nito ang interes at prayoridad ng mga atrasadong naghaharing uring panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador sa Pilipinas na nakasalalay sa pautang at pamumuhunan ng mga dayuhan at paggamit ng kapangyarihang pampulitika upang isulong ang interes sa negosyo.
Walang intensyon si Aquino na ilaan ang pampublikong pondo sa mga programang produktibo at gamitin iyon para paunlarin ang industriya at agrikultura. Tulad ng mga nauna sa kanya, iniuukol niya ito sa interes ng dayuhang malalaking bangko at malalaking kumpanya at mga lokal nitong kasosyo. Halos kalahati ng kabuuang gastusin ng gubyernong Aquino sa darating na taon (o mahigit `1 trilyon) ang nakalaan sa pagbayad ng mga utang ng gubyerno sa mga dayuhan at lokal na bangko.
Habang pinalaki ang badyet para suportahan at bigyan ng garantisadong tubo ang pribadong pamumuhunan (sa ngalan ng mga tambalang “pribado at publiko”), ang badyet para sa pampublikong mga kolehiyo at unibersidad ay binawasan nang ilang bilyong piso. Pinalaki nang halos 50% ang badyet para sa pamumudmod ng pera (ang tinaguriang Programang Pantawid Pamilyang Pilipino) na walang idinudulot na saysay sa pag-aahon ng masang anakpawis mula sa pagkakalugmok sa kahirapan. Malaking halaga ang inilaan nito para isagawa ang demolisyon ng mga maralitang komunidad samantalang muli nitong kinaltasan ang badyet para sa pampublikong kalusugan.
Marapat na puspusang igiit ng mamamayang Pilipino ang kanilang pagtutol sa anti-mamamayan, makadayuhan, bulok at korap na badyet ni Aquino para sa 2014. Dapat nilang labanan ang paggamit sa badyet bilang instrumento ng pampulitikang panunuhol at panggigipit. Dapat nilang labanan ang paglulustay, pagsasayang at pagbubulsa ni Aquino at ng kanyang mga kasapakat na pulitiko sa kabang-yaman ng bansa. Dapat nilang labanan ang bulok na sistema at pamamaraan ng pagbabadyet na nagsisilbi sa interes ng mga dayuhan at nagpapalala ng pambubusabos at pang-aapi sa masang magsasaka at mga manggagawa.
Dapat nilang todong batikusin ang rehimeng US-Aquino sa pagpanggap nitong matuwid at malinis samantalang wala naman itong pinag-iba sa lahat ng nagdaang mga rehimen sa pagiging baluktot at magnanakaw. Dapat nilang ilantad ang bulok na makauring paghahari ng rehimeng Aquino at igiit ang pagwakas ng paghaharing makadayuhan, anti-mamamayan, bulok at korap, mapang-api at mapanupil.
-----------------------------------
Badyet ni Aquino
Mula nang balangkasin ni Aquino ang pambansang badyet noong 2011, kapansin-pansin na papalaking bahagi ng programa sa paggastos ng gubyerno ang tuwirang ipinaiilalim sa sarili niyang kontrol. Sa P2.268 trilyong panukalang pambansang badyet para sa 2014, tinataya ng mga eksperto na mahigit kalahati o P1.106 trilyon ang “badyet ni Aquino” o pondong direktang nakapailalim sa kanyang kapangyarihan.
Bahagi nito ang halagang P310 bilyon na ilalabas at magagamit lamang sa tuwirang kapasyahan ni Aquino. Kabilang dito ang P27 bilyon para sa “Priority Development Assistance Fund” (PDAF) o mas kilalang “pork barrel” na pondong panlangis sa mga pulitiko; at ang P7.5 bilyong pondong pangkalamidad.
Kabilang din dito ang mga kwestyunableng pondong inilaan para sa mga pampublikong korporasyon (P45.7 bilyon); para sa mga ahensya ng gubyerno (P19.7 bilyon); para sa “contingency” (P1 bilyon); para sa pensyon at “gratuity” o pasasalamat (P120.5 bilyon); para sa “DepEd School Building Program” (P1 bilyon); para sa programang E-Government (P2.479 bilyon); para sa mga “obligasyong internasyunal” (P4.8 bilyon); para sa samutsaring benepisyong pantauhan (P80.7 bilyon); at para sa paggawa ng Feasibility Studies (P400 milyon).
Kabilang din sa “badyet ni Aquino” ang P139 bilyong pondong “di-programado”. Upang hindi na busisiin, ipinagpipilitan ng Department of Finance na huwag na itong ipaloob sa pambansang badyet na pagtitibayin ng Kongreso. Bukod pa rito ang mga pondong paniktik at samutsaring lump sum o buu-buong halagang walang ispesipikong alokasyon na nakasingit sa iba’t ibang paraan sa badyet.
Upang pagtakpan ang malaking kabulastugang ito, ipinagmamalaki ni Aquino na ang badyet ng Department of Education ang pinakamalaki kumpara sa lahat ng ahensya. Ang totoo, ang lumaki lamang ay ang pondong inilaan para sa Public-Private Partnership (PPP) kaugnay ng mga proyektong pang-imprastruktura (tulad ng pagtatayo ng mga silid-aralan at iba pa) na pakikinabangan ng malalaking kumprador tulad nina Lucio Tan at mga Ayala. Sa kabilang panig, kinaltasan nang mahigit P2 bilyon ang pondo ng pinakamalaking pampublikong unibersidad at mga kolehiyo.
Pinalalabas na higit na mas malaki ang mga alokasyon para sa “serbisyong panlipunan” sa kabuuang badyet. Ang totoo, ang lumaki ay ang alokasyon ni Aquino sa palabas na “Programang Pantawid Pamilyang Pilipino” mula sa P44.3 bilyon tungong P62.6 bilyon para diumano palawakin ang programa. Ito ay sa kabila ng kainutilan ng programa na lutasin ang kahirapan. (Basahin ang Pantawid Pamilya sa pahina 4) Napakalaki ng pondong ito kumpara sa nakalaan para sa irigasyon (P21.1 bilyon), paglalatag ng farm-to-market roads (P12 bilyon) o sa P12.7 bilyon para sa reporma sa lupa.
Nangunguna pa rin sa mga prayoridad ng rehimen ang bayad-utang. Sa pambansang badyet para sa 2014, aabot sa P1.035 trilyon ang nakalaan para rito. Binubuo ito ng P352.7 bilyong awtomatikong alokasyong pambayad sa interes; at P682.3 bilyong nakalaan para bayaran ang prinsipal na hindi makikita sa panukalang badyet. Ang kabuuang alokasyon para sa bayad-utang ay 13.8% ng inaasahang P7.4 trilyong kabuuang lokal na produksyon (gross domestic product o GDP) sa 2014. Wala pa sa sangkatlo nito (o 4.3% ng GDP) ang nakalaan sa edukasyon.
Kulang na kulang ang nalilikom na pondo ng gubyerno mula sa lokal na pagbubuwis. Salamin ito ng kabiguan ng rehimeng Aquino na maitindig ang lokal na ekonomya sa sarili nitong mga paa. Ang target ng rehimeng Aquino na koleksyon sa buwis at sa aduana (customs) sa 2014 ay umaabot lamang sa P1.864 bilyon na malamang na hindi maaabot. Kaya target din ng rehimeng Aquino na mangutang ng karagdagang P1.14 trilyon, kabilang ang karagdagang $2 bilyon mula sa mga dayuhang bangko.
Gagawin ni Aquino ang lahat para mabayaran ang dating utang upang matiyak na muling makauutang ang kanyang gubyerno. Nakatakdang pumaimbulog ang utang ng Pilipinas tungong P6.32 trilyon, katumbas ng P63,859.31 bawat Pilipino.
links:
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20130821/badyet-ni-aquino
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
0 comments:
Post a Comment