Friday, February 12, 2021

Ipaglaban ang kagalingan ng mamamayan laban sa anti-mahirap na mga patakaran ni Duterte sa ekonomya

  




From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links:  https://cpp.ph/statements/ipaglaban-ang-kagalingan-ng-mamamayan-laban-sa-anti-mahirap-na-mga-patakaran-ni-duterte-sa-ekonomya/


Ipaglaban ang kagalingan ng mamamayan laban sa anti-mahirap na mga patakaran ni Duterte sa ekonomya

Patuloy na lumulubha ang kalagayang sosyoekonomiko ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng Duterte kasabay ng mabilis na pagbulusok ng ekonomya ng Pilipinas. Maging sa harap ng pandemya at malubhang krisis sa ekonomya, iginigiit ng rehimeng Duterte ang pagpapatupad ng sagadsaring mga patakarang neoliberal at isinasaisantabi ang mga kahingian ng mamamayang Pilipino.

Ang lockdown at mga restriksyong pampandemya simula pa Marso 2020 ay nagpabilis sa pagbulusok ng ekonomya ng Pilipinas na ilang taon nang nakaranas ng pagkawasak ng produktibong kapasidad sa agrikultura at pagmamanupaktura. Inilugmok ng pandemya ang naghihingalong eknomya sa walang-kapantay na -9.5% pagbulusok ng GDP ng Pilipinas sa taong 2020.

Ang masang anakpawis na mga manggagawa, magsasaka at malaproleteryado ay lugmok sa kahirapan at kagutuman. Ang kalagayan ng mababa at panggitnang petiburgesya ay kapwa mabilis na bumabagsak sa mas mababang antas. Ang malapad na hanay ng mamamayang Pilipino, higit lalo ang aping mga sektor ay marapat, kung gayon, na kumilos na para ipagtanggol ang kanilang mga interes at kagalingan, sa pagkakaisa at paggigiit ng kagyat na aksyon para lutasin ang mabilis na pagsidhi ng kanilang kalagayan.

1. Lumalapad ang pananawagan para sa kagyat na mga kahingian ng mamamayan: para sa pagtataas ng sahod at sweldo; buwanang ekonomikong subsidyo para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, mababang-kita o walang-kitang mga pamilya, mahirap na magsasaka, manggagawang bukid; at subsidyo para sa produksyon ng maliliit na magbababoy, magsasaka ng palay at gulay. Ang mga ito ay dagdag sa dati nang kahingian para sa libreng mass testing, paggamot, at pagbakuna laban sa Covid-19. Mayroon ding kahingian para burahin o subsidyuhan ang mga bayarin sa yutilidad sa nagdaang ilang buwan at kanselahin ang utang lalo na ng masang magsasakang tinamaan ng kalamidad. Iginigiit ng mga guro, mag-aaral at magulang ang ligtas na pagbabalik-eskwela. Nananawagan ang mamamayan na payagang makabalik sa kanilang ruta ang mga dyip at itigil ang phaseout sa mga dyip para makatugon sila sa pangangailangan sa transportasyon ng publiko at para kumita ang ilandaang libong mga drayber.

Natutulak ang malapad na hanay ng mamamayang buuin ang kagyat na kahingian para sa pagtaaas ng sahod at sweldo, subsidyo at iba pa sa harap ng mabilis na sumisidhing kalagayang sosyoeknomiko. Ibayo silang nauudyok at determinadong ipaglaban ang naturang kahingian higit lalo pagkatapos paburan ng rehimeng Duterte ang malalaking dayuhang kapitalista at kanilang lokal na kasosyo para makapagbulsa ng mas malaking kita at mabawasan o alisan ng buwis. Nagpupuyos ang damdamin ng mamamayan sa patuloy na pagbalewala ng rehimeng Duterte sa kanilang mga panawagan.

2. Ang tugon sa pandemya ng rehimeng Duterte na nakasentro sa lockdown ay nagbunga ng maramihang pagkawala ng trabaho at kita. Kakarampot at limos lamang ang ibinigay na subsidyo ng gubyerno. Bumagsak ang istandard sa pamumuhay ng mga pamilya ng manggagawa at naghihirap na mamamayan habang ang gastos sa pamumuhay ay patuloy na tumataas. Patuloy na tumataas ang bilang ng walang trabaho dahil sa pansamantala o pangmatagalang pagsasara ng mga negosyo o di kaya’y pagbawas sa produksyon.

Nanatiling walang maayos na komprehensibong sistema ng pagtugon sa pandemya ang rehimeng Duterte, maliban sa pagkukwarantina at mga restriksyong social distancing na malupit nitong ipinatutupad gamit ang mga pwersa ng pulis at militar. Bigo itong magpatupad ng sistema ng mass testing at mabilisang contact tracing para ihiwalay ang Covid-19 bayrus at pigilan ang pagkalat nito.

Habang may banta pa rin ng pagkalat ng sakit na Covid-19 sa bansa, desperado ang rehimeng Duterte na “buksan ang ekonomya” kahit pa maaaring hindi nito makontrol ang paglobo ng mga maiimpeksyon. Malalaman pa lamang kung wawakasan ng pagbabakuna ang tuluy-tuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso.

Imbes na tugunan ang kagyat na pangangailangan ng mamamayan sa gitna ng kabiguan nitong pangasiwaan ang pandemya, ipinasa ng kongreso ni Duterte ang panukalang CREATE na may deklaradong layunin na hikayatin ang malaking dayuhang kapital. Kung maisasabatas, pangunahing makikinabang dito ang malalaking korporasyong multinasyunal (ng hanggang ₱251 billion sa pagpapababa ng buwis sa susunod na dalawang taon). Habang ibinababa ang buwis para sa malalaking kapitalista, ang NEDA at DoF ay abala sa pagpaplanong magpataw ng dagdag na pasakit na mga buwis sa ordinaryong konsyumer para makalikom ng pondong pambayad sa patung-patong na utang ni Duterte.

Ang ilusyon na magdudulot ang dayuhang pamumuhunan ng ekonomikong pag-unlad ay ipinangangalandakan ng mga panatikong maka-neoliberal ni Duterte para bigyang katwiran ang itinutulak na pagbabago sa konstitusyong 1987. Layunin nilang hawanin ang daan para sa 100% dayuhang pagmamay-ari ng lokal na rekurso at negosyo sa kapinsalaan ng pambansang ekonomya at lokal na sektor ng produksyon.

Hindi magdudulot ng kahit anong kagalingan sa mamamayang Pilipino ang pagkuha ng mas maraming dayuhang mamumuhunan. Sa kabaliktaran, ang pang-eengganyo ng dayuhang kapital sa pamamagitan ng liberalisasyon sa palitan at pamumuhunan, pambabarat sa sahod at pleksibilisasyon sa paggawa ay magdudulot lamang ng ibayong pagsasamantala sa manggagawa, pagkasira sa agrikultural na produksyon, malawakang pang-aagaw sa lupa, at higit na pagguho ng kasarinlang pang-ekonomya ng bansa.

Ang mga tagapamahala sa ekonomya ni Duterte ay naghahayag ng bulaang kasiguruhan ng pagbuti ng eknomya sa pagdedeklara ng walang batayang taya ng pagdagsa ng dayuhang pamumuhunan. Hindi inaasahang mangyayari sa mga susunod na taon ang maramihang pagpasok ng dayuhang kapital dahil nanatiling nakatigil ang pandaigdigang sistemang kapitalista matapos ang isang dekada ng matagal na resesyon. Sa katunayan, nasa pinakamababang antas simula 2005 ang pandaigdigang dayuhang tuwirang pamumuhunan.

5. Patuloy na inuuna ni Duterte ang pagtustos sa mga proyektong imprastruktura na pinondohan ng dayong-utang at magtitiyak ng dambuhalang mga ganansya para sa dayong mga kapitalista at kanilang lokal na malalaking kapitalistang kasosyo, ngunit lilikha lamang ng maliit na bilang mga trabahong mababa ang sahod kumpara sa milyun-milyong nawalan ng trabaho mula noong nagdaang taon.

Ang pinakamalalaking makikinabang sa ipinangangalandakang proyektong Manila Subway na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ay ang Japan at ilan sa malalaking korporasyon nito, partikular ang Shimizu Corporation, Fujita Corporation at Takenaka Civil Engineering, at siyempre pa, ang kasosyo nitong malaking burgesya kumprador na EEI Corporation (na estratehikong kasosyo ang Eagle Cement ni Ramon Ang). Ipinagyayabang ng mga kontraktor na mag-eempleyo sila ng 6,000 manggagawa, kalakha’y may mababang sahod at pansamantalang trabahong may mababang kasanayan.

Kahit sa gitna ng pandemya, nagwaldas ng bilyun-bilyon pondo ng bayan ang rehimen upang bumili ng mga helikopter, eroplanong pandigma, baril, misayl, kanyon at mga bomba para sa kontrainsurhensya. Nag-ukol ito ng di bababa sa P33 bilyon para sa “modernisasyon” ng AFP at P19.2 bilyon para sa NTF-ELCAC. Ang pagdating kamakailan ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga helikopter na Black Hawk ay napakanakasusuklam sa harap ng milyun-milyong Pilipinong naglulunoy sa gutom at kahirapan.

7. Gamit ang kapangyarihang pangkagipitan, bilyun-bilyong pisong pondo ng estado ang ibinubulsa nina Duterte at ng malalaking burukratang kapitalista sa pamamagitan ng mga kikbak sa mga kontrata ng gubyerno, sikretong mga negosasyon para sa pagbili ng mga bakuna at kagamitang medikal. Malawakan din ang korupsyon sa pagbili ng militar ng mga helikopter at mga sistema ng armas, gayundin sa paglalaan ng pondo para sa mga operasyong militar. Mas malubha at mas malawakan ang korupsyon na kaakibat ng pagpapatupad ng pork barrel ng militar na Barangay Development Program sa ilalim ng NTF-ELCAC.

8. Hindi sapat ang mga rekursong pinakikilos para tulungan ang mamamayan na nawalan ng kanilang mga trabaho at pinagkakakitaan, maglaan para sa libre at maramihang pagbabakuna at libreng testing at paggamot sa Covid-19. Mas malubha, binawasan ni Duterte ang pagtustos sa mga imprastruktura para sa pampublikong kalusugan. Walang inilaang pondo para iangat ang kakayanan ng bayan na lumikha ng mga bakuna lalupa sa harap ng kakagyatang dulot ng pandemya. Hindi ito naglaan ng pondo upang ligtas na makapagbukas ang mga paaralan sa gitna ng pandemya na nagsadlak sa kabataan sa nagtatagal na krisis sa pagkatuto.

9. Sa bagong pinakamataas na antas, sumirit nang 4.2% ang implasyon noong Enero dahil sa nagtataasang presyo ng karneng baboy at pagkain. Maliban sa pagpataw ng takdang presyo ng karneng baboy at manok (na tatama lamang sa maliliit na nagtitingi), walang ginawang sapat si Duterte upang komprehensibo at maagap na tugunan ang problema sa African Swine Fever at nagtataasang presyo ng karneng baboy sa pamamagitan ng mga subsidyo sa mga prodyuser at konsyumer. Mas masama pa, sinasamantala ng gubyernong Duterte ang krisis sa karneng baboy upang bigyang-matwid ang lalupang liberalisasyon ng pag-import ng karneng baboy at manok salungat sa interes ng lokal na produksyon.

Ang mataas na pagsirit sa presyo ng pagkain at batayang mga pangangailangan at serbisyo ay humatak pababa sa kakayahan ng mamamayan na bumili. Ngunit tinanggihan ni Duterte ang giit ng mga manggagawa na pagtataas ng pambansang minimum na sahod upang makabawi sila at maitaas ang kanilang kakayahang makabili. Nananatiling mababang mababa ang sahod ng pampublikong mga manggagawang pangkalusugan at guro, laluna kung ikukumpara sa sahod at mga bonus ng mga upisyal at tauhan ng militar at pulis na maraming ulit na tinaasan ni Duterte sa nakalipas na mga taon.

10. Babangon at babangon ang mamamayang Pilipino upang papanagutin si Duterte sa kanyang kontra-mahirap at kontra-mamamayang mga patakarang pang-ekonomya at mga maling prayoridad na nagiging dahilan sa paghihirap ng milyun-milyon sa nagtataasang presyo, malawakang kawalan ng trabaho at malubhang kahirapan. Sa pagsunod sa imperyalistang dikta sa mga patakaran, kitang-kita ang kawalan ng malasakit ni Duterte sa mamamayang Pilipino.

Nagiging napakalinaw para sa malawak na hanay ng masang manggagawa at magsasaka kung paanong inaapak-apakan ng rehimeng Duterte and kanilang kapakanang pang-ekonomya at mga interes upang unahin ang interes ng mga korporasyong multinasyunal at kanilang mga kasosyong malalaking lokal na kapitalista, mga pwersang militar at pulis.




CPP/NPA/NDF Website




PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------

0 comments:

Post a Comment