Friday, February 04, 2022

  




From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links: https://cpp.ph/angbayan/61-pamilya-sa-cagayan-nagbakwit-dahil-sa-walang-patumanggang-pambobomba/



 


61 pamilya sa Cagayan, nagbakwit dahil sa walang-patumanggang pambobomba 


Bilisan niyo na! Hala, baka magparito pa tapos bombahin din,” sabi ng isang ale sa wikang Iloco sa isang bidyo na naka-upload sa social media. Kuha sa bidyo ang malalakas na tunog ng pambobomba at pag-iistraping sa mabundok na bahagi ng Barangay Sta. Clara sa bayan ng Gonzaga, Cagayan. Dinig sa bidyo ang takot ng naturang residente sa walang patumanggang pambobomba.

Napaulat na 61 pamilya o 307 indibidwal, karamihan mga katutubong Agta, ang nagbakwit mula sa mabundok na bahagi ng Barangay Santa Clara tungo sa sentro ng barangay matapos ang aerial bombing ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Mt. Cagua noong madaling araw ng Enero 29.

Nagsagawa umano ng pambobomba at panganganyon ang Philippine Airforce sa Sityo Bagsang, Maging at iba pang komunidad dahil sa presensya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa lugar. Nagsimula ang pambobomba nang alas-3 ng madaling araw at tumagal ng ilang oras. Dahil dito, napilitan ang mga residente na maghanap ng ligtas na lugar.

Sa ulat ng grupong Karapatan, inistraping ng tatlong helikopter ang lugar matapos maghulog ng limang bomba ang mga fighter jet ang AFP. Iniulat ng mga lokal na samahan sa rehiyon na ramdam ang pagsabog ng inihulog na bomba at yanig ng lupa mula bulubundukin hanggang sentro ng bayan ng Gonzaga.

Nanawagan noong Enero 31 ang Karapatan sa Commission on Human Rights, mga tagapagtanggol sa karapatang-tao at lokal na awtoridad na imbestigahan ang pambobomba.
5th ID, sinungaling

Kinundena ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang pahayag ni Army Capt. Rigor Pamittan, spokesperson ng 5th ID, na sinasabing walang naninirahan sa mga lugar na binomba ng mga sundalo. “Ang mga kabundukang ito ay nagsisilbing tahanan at pinagkukunan ng kabuhayan ng mga katutubo,” ayon kay Valbuena. Pangunguha ng uway (rattan) ang pangunahing ikinabubuhay ng mga katutubo dito. Ang kagubatan ay itinuturing na bahagi ng lupang ninuno ng mga katutubo, at sa gayon ay pag-aari ng mga sibilyan. Bawal sa internasyunal ang pangwawasak sa gayong mga rekurso at ari-arian.

“Tinutuligsa namin ang paghuhulog ng bomba ng AFP malapit sa mga komunidad ng Agta na nagsasapanganib sa buhay ng mga sibilyan, sumisindak sa taumbaryo, at sumisira sa mga rekurso sa kagubatan kung saan kumukuha ng pagkain, tubig at gamot ang mga katutubo,” ani Valbuena.

Nanawagan naman siya sa mamamayang Pilipino na ilantad at tuligsain ang ganitong papatinding paggamit ng AFP ng armas ng terorismo laban sa bayan. “Ang mga ito ay terorismo ng estado at labag sa internasyunal na makataong batas,” aniya.

Naitala ng Kawanihan sa Impormasyon ng PKP ang 150 kaso ng walang-patumanggang paghuhulog ng bomba mula sa himpapawid at panganganyon simula Pebrero 2017 hanggang Oktubre 2021.

Samantala, wala pang ulat mula sa yunit ng BHB sa prubinsya ng Cagayan kung mayroong yunit na pansamantalang nakahimpil sa pinangyarihan ng insidente.




CPP/NPA/NDF Website




PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

--------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------

0 comments:

Post a Comment