links: http://theprwcblogs.blogspot.com/
Paglilinaw ng Jose Rapsing Command sa Pahayag ng 9ID sa serye umano ng labanan noong Marso 19, 2012
Jose Rapsing Command BHB--Masbate
Marso 20, 2012
Nais ilinaw ng Jose Rapsing Command ang sinasabing sunud-sunod na mga labanan ng militar at NPA sa probinsya ng Masbate kung saan nakakuha umano ng maraming armas at namatay ang tatlong pulang mandirigma noong Marso 19, 2012.
Ang totoong nangyari ay pumusisyon ang isang iskwad ng NPA sa isang lugar upang abangan ang pagdaan ng mga sundalo ng Alpha Company ng 9th Infantry Battalion at 93rd Division Reconnaissance Company (DRC) na noon ay naiulat ng masa na nagsasagawa ng operasyong-militar sa interyor na bahagi ng mga bayan ng Dimasalang at Palanas.
Habang nasa pusisyon ay nag-ulat ang masa ng kahina-hinalang tao na di nila kilala at sumisilip sa direksyon ng pwesto ng mga pulang mandirigma. Dahil dito ay lihim na nagbago ng pusisyon ang iskwad at nagmatyag sa mangyayari.
Hindi nagtagal ay dumating ang isang platun ng mga sundalo at pumusisyon sa isang bahagi ng kalupaan sa unahan lang ng dating pusisyon ng mga pulang mandirigma. Hindi pa nagtatagal ay lumapit din ang isa pang grupo ng mga sundalo mula sa ibang direksyon at walang sabi-sabi na nagputukan ang dalawang grupo na di na siguro nagkakilala dahil sa papadilim na ang paligid.
Walang puknat na putukan at sigawan ang nangyari. Pagkaraan ng halos 30 minutos na putukan ay mukhang nagrabe ang isang grupo ng mga sundalo at nagkahalataan na sigurong pare-pareho silang mga militar. Pero sa ikinabigla ng mga pulang mandirigma na nasa di-kalayuang bahagi ay kahit sumisigaw na ang iba na sundalo rin sila at pareho silang nasa serbisyo ay tuluy-tuloy pa ring nilusob ng isang platun ang kanilang kasamahan at kahit may nagmamakaawang mga sundalo ay paisa-isang pinaputukan ng lumulusob na mga sundalo.
Sa halip na tulungan ang kanilang kasamahan -- siguro dahilan sa takot at kahihiyan o di kaya ay talagang kumbinsidong mga pulang mandirigma ang kanilang napatay ay pinagkukuha pa ng mga sundalo ang ilang kagamitan at armas ng mga kapwa sundalo at mabilis na tumakas patungo sa kanilang himpilan. Tamang-tama naman na ang ikatlo pang platun ng mga sundalo ay dumating sa pinangyarihan at agad ding nagpaputok ng mga baril na lalong nagpakumplika sa kalagayan nila.
Sa panahong ito ay nagmaniobra na rin palayo ang mga pulang mandirigma at ang masa na lamang ang nagbalita na inabot halos ng umaga ang mga sasakyan ng militar sa paghakot ng kanilang mga patay at sugatang kasamahan.
Ang sampung baril na umano'y nakumpiska ng mga sundalo mula sa mga pulang mandirigma ay malamang na ang mga baril ng kanilang kasamahan na binitbit ng isang platun ng mga sundalo na nakapatay sa marami nilang kasamahan. Buong pagmamalaking iprinisinta ang mga ito sa kanilang himpilan na walang kaalam-alam na sa kanilang kasamahan ang mga baril, o di kaya'y itinuloy na lang ang pagpapanggap na mga pulang mandirigma ang kanilang napatay para makalusot sa malaking kahihiyan.
Maaaring walang kaalam-alam si Col. Jun Pacatan sa totoong nangyari kaya agad itong nag-ulat sa kanyang mga upisyal sa 9th Infantry Division ng pekeng report ng umano'y tagumpay ng kanyang mga tauhan o di kaya naman ay sinasadya nitong pagtakpan ang kanilang malaking pagkakamaling militar.
Aaminin naming malaking bentahe sa panig ng mamamayan at Bagong Hukbong Bayan ang kapalpakan at pagkakamaling-militar ng 9th IB na tuluy-tuloy na nagpapahirap sa mga mamamayan ng Masbate at nagmamaskara pang mabait habang ang katotohanan ay wala silang pinag-iba sa mga kriminal na sangkot sa panggagahasa, pagsalbeyds, iligal na droga at nitong huli ay ang pagpatay sa sarili nilang mga kasamahan.
Pero nalulungkot din kami para sa mga ordinaryong sundalong pumasok sa AFP sa hangaring matulungan ang kanilang pamilya ngunit namamatay sa mga labanan at mga mis-encounter habang ang kanilang mga opisyal at pinagsisilbihang malalaking pulitiko ay nagpapasarap sa mga maluluhong himpilan at opisina.
Nananawagan kami sa mga sundalong di pa lulong sa kasamaan at bisyo na gawin ang lahat para di masangkot sa mga masasamang gawi at maging kasangkapan sa pagpapahirap sa mga mamamayan, talikuran ang mga mapagsamantala at mapang-aping uri, at kung kaya na ng kanilang kalooban ay sumapi sa hanay ng mga "soldados san pobre" - ang New People's Army.
PRWC Website
http://theprwcblogs.blogspot.com/
http://www.philippinerevolution.net/
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/
http://theprwcblogs.blogspot.com/
http://www.philippinerevolution.net/
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/
-------------------------------------------------------------------------------------------------------
--------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------
-----------------
0 comments:
Post a Comment