From the Website of PRWC - CPP/NPA/NDF
links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2012/09/hinggil-sa-paghahabol-at-panghihimasok.html#more
Hinggil sa paghahabol at panghihimasok ng China at sa Negosasyong Pangkapayapaan ng GPH-NDFP
Maikling komentaryo ni Prof. Jose Maria Sison, Pangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas at Punong Pampulitikang Konsultant, National Democratic Front of the PhilippinesPagsasalin sa Pilipino ng: On the China Claims and Intrusions and the GPH-NDFP Peace Negotiations
Prof. Jose Ma. Sison
CPP Founding Chairman
April 30, 2012
Mga Kababayan,
Mainit na pagbati!
Nagpapasalamat ako sa aking mahal na kaibigan, si General Joone de Leon, sa pagbibigay ng lektura hinggil sa aking sosyo-pulitikal na pilosopiya, at sa kanya, at sa inyong lahat na nasa Regular Class 47 ng Masters program hinggil sa National Security Administration sa pagbibigay ng pribilehiyo at karangalang maipahayag ko ang aking pusisyon at rekomendasyon hinggil sa ilang maiinit na usaping may malaking kabuluhan sa ating bansa at mamamayan.
Kaugnay sa paghahabol at panghihimasok ng China sa Kalayaan group of islands at sa Panatag shoal, itinuturing kong usapin ng prinsipyo at patriyotikong katungkulan na itaguyod ang pambansang soberanya ng sambayanang Pilipino at ang teritoryal na integridad ng Pilipinas. Ang nabanggit na mga teritoryo ay saklaw ng 200-milyang notikal ng eksklusibong sonang ekonomiko ng Pilipinas sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nilagdaan at dapat ipatupad kapwa ng Pilipinas at China.
Iginagawad sa atin ng UNCLOS ang pinakamatibay na batayan sa ilalim ng internasyunal na batas para igiit ang ating karapatan sa naturang mga isla, buhanginan at bahurang pinagtatalunan. Pinatutunayan ng mga ebidensyang arkeolohikal na ginamit ito ng mga naunang tao sa Pilipinas sa pangingisda, pangunguha ng korales at paglalayag mula pa noong panahong pre-istoriko. Pinatutunayan din ng kolonyal na pagmamapa ng mga Espanyol at mga tala sa kasaysayan na sakop ang mga teritoryong ito ng kapuluan ng Pilipinas. Kasama sa Morillo Map na ginamit ng US at Spain sa pagbubuo ng Treaty of Paris ang Bajo de Masinloc at Scarborough Shoal o Panatag Shoal.
Sa kabila ng paggigiit nito, iniiwasan pa rin ng China ang anumang tahasang agresyong militar. Mulat ito marahil sa palagian nitong sinasabi na naging makapangyarihan ito sa payapang paraan at sa komitment nito sa UNCLOS at sa Declaration on Conduct of Parties in the South China Sea. Sa pakikipagdebate ko sa mga banyagang rebolusyonaryo na nagsasabing isa nang imperyalistang kapangyarihan ang China, pinaninindigan ko na totoong naging kapitalista na ang China at nag-eeksport na ng signipikanteng halaga ng labis na kapital, subalit di pa ito nagtatalaga ng mga tropang pangkombat upang itaguyod at protektahan ang dayuhang pamumuhunan nito. Kahit sa peacekeeping operations ng UN, na nilalahukan ng China, iniiwasan nitong magtalaga ng mga tropang pangkombat.
Kailangan din nating ituring na usapin ng prinsipyo at tungkulin ang paghahanap ng mapayapang resolusyon sa mga usaping teritoryal sa China ayon sa itinatakda ng UNCLOS at ng Declaration on Conduct of Parties in the South China Sea. Hangga't posible, maaari tayong makipagnegosasyon sa China, o maaari ring idaan ang usapan sa ASEAN. Mulat tayo sa limitasyon ng ganitong mga pamamaraan at kung paano ito maaaring tumagal nang tumagal. Kaya dapat lagi nating igiit na tapusin ang usapin sa pinakamaagang panahon sa pamamagitan ng paghahapag ng kaso ayon sa UNCLOS sa International Tribune on the Law of the Sea sa Hamburg.
Para na rin sa interes ng ating bansa ang di pagsangkot sa Pilipinas at mamamayang Pilipino sa anumang aksyong makapipinsala sa atin, tulad ng di kinakailangang gera o kahit ng di kinakailangang pagpapamalas ng pwersang militar o probokasyon. Ipinakikita ng China ang kiling nito sa aksyong ekonomiko at diplomatiko kaysa sa aksyong militar sa pagresolba ng mga internasyunal na usapin. Di tayo dapat magpadala sa ilusyon na nariyan ang US para tayo'y ipagtanggol. Dapat nating tandaan na may mas malaking interes ang US sa China kaysa sa Pilipinas at ang US-RP Mutual Defense Treaty, na walang probisyon para sa awtomatikong pagganti, ay nagpapahintulot sa US na iwasang pumanig sa Pilipinas laban sa China. Desidido ang US na kontrolin at manipulahin ang mga kontradiksyon sa pagitan ng Pilipinas at China upang ibayong lumakas ang presensyang militar nito sa Pilipinas, patuloy na labagin ang ating pambansang soberanya at teritoryal na integridad, maging bantay-salakay at paigtingin ang pagsisikap nitong palakasin ang hegemonya ng US sa Asia-Pacific.
Kaugnay sa negosasyong pangkapayapaan ng GPH-NDFP, paralisado ito dahil sa katigasan ng pusisyon ng gubyernong Aquino o sa partikular, ng Presidential Adviser on the Peace Process (PAPP) hinggil sa kagyat na pagpapasuko at pagsupil sa mga rebolusyonaryong pwersang kinakatawan ng NDFP; pagbalewala sa The Hague Joint Declaration ng 1992 sa pamamagitan ng pagbansag dito bilang dokumento ng anito'y walang hanggang pagkakahati kaysa posibleng balangkas sa negosasyong pangkapayapaan; pagtabing, pagkunsinti at pagpapanatili sa ekstrahudisyal na pamamaslang, tortyur at detensyon ng mga konsultant at istap ng NDFP na labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at patuloy na pagpiit sa mahigit 350 bilanggong pulitikal na idinetine batay sa mga gawa-gawang kasong kriminal na labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at doktrinang Hernandez hinggil sa mga kasong pulitikal sa partikular.
Sa kabila ng lahat ng usaping nabanggit, naniniwala ang NDFP na umiiral pa rin sa esensya ang negosasyong pangkapayapaan dahil wala namang panig na tumapos na sa JASIG at ang totoo'y mayroong 12 pormal na kasunduan ang dalawang panig na nananatiling may bisa at umiiral; ang Joint Secretariat ng Joint Monitoring Committee ng CARHRIHL ay patuloy na nagtatrabaho sa Quezon City; ang mga panel ng magkabilang panig ay pinahihintulutan ng Ground Rules na makipagkonsultahan anumang oras; at ang tagapamagitang Norwegian ay tumatawid-tawid sa dalawang panel. Hindi na nagkaroon ng pormal na usapang pangkapayapaan ang dalawang panel sa negosasyon mula pa noong Pebrero 2011. Gustung-gusto ng NDFP na ipagpatuloy ang gayong mga pormal na usapan at bukas itong magpulong ang mga pangkat ng mga negosyador at magkonsultahan upang bigyang daan ang pormal na usapan.
Patuloy na umaasa ang NDFP na tutupad ang GPH sa JASIG at CARHRIHL bilang obligasyon at maipagpapatuloy ang mga pormal na negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panel upang mapag-usapan ang tatlong nalalabing paksa sa subtantibong adyenda at magkakasunod itong mapagkasunduan. Ang mga ito ay ang a) mga repormang panlipunan at pang-ekonomya, b) mga repormang pulitikal at konstitusyunal at k) pagwawakas ng labanan at dispusisyon ng mga pwersa. Patuloy na iniaalok ng NDFP ang ispesyal na proseso ng pagpapairal ng kagyat na tigil-putukan at alyansa sa pagitan ng GPH at NDFP matapos mapirmahan ang isang pangkalahatang deklarasyon ng komun na layunin habang patuloy pang hinaharap ng regular na proseso ng negosasyong pangkapayapaan ang tatlong nalalabing paksa.
Ang pangkalahatang deklarasyon ng komun na layuning ipinanukala ng NDFP ay bagay na di maaaring tutulan ng sinumang Pilipinong patriyotiko at naghahangad ng demokrasya. Sinasaklaw nito ang mga layuning tulad ng pagtataguyod sa pambansang soberanya at kalayaan at pagwawaksi sa mga di pantay na tratado, kasunduan at aregluhan; pagpapalawak ng demokrasya sa pamamagitan ng ilang mekanismo upang bigyang-kapangyarihan ang masang anakpawis at panggitnang uri; pagpapatupad ng programa ng pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa; pagpapaunlad ng patriyotiko, syentipiko at makamasang edukasyon at kultura; at pagtataguyod ng independyente at aktibong patakarang panlabas para sa kaunlaran at pandaigdigang kapayapaan.
Kung tunay na interesado ang administrasyong Aquino sa pagpapabilis ng regular na proseso ng pagpapairal ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapairal ng tigil-putukan, walang dahilan para antalain ang katuparan ng panukala ng NDFP hinggil sa ispesyal na proseso para sa alyansa at tigil-putukan alinsunod sa pangkalahatang deklarasyon ng komun na layunin, lahat para sa kapakinabangan ng sambayanang Pilipino.
Hinikayat ko ang presidente mismo ng GPH na magkaroon ng pampulitikang kapasyahan na gampanan ang kanyang krusyal na papel upang magtagumpay ang regular at ispesyal na proseso. Lagi't laging handa ang NDFP na makipagpulong sa mga ispesyal na kinatawan ng GPH hinggil sa ispesyal na proseso upang higit na ayusin ang mga kundisyon para sa negosasyong pangkapayapaan at mapabilis ang mga pagsisikap na resolbahin ang mga ugat ng armadong tunggalian at mailatag ang batayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Tukuyin natin ang komun na pampulitikang batayan at agad tayong magtulungan para sa kapakinabangan ng mamamayan.
PRWC Websites
http://theprwcblogs.blogspot.com/
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/2012/09/hinggil-sa-paghahabol-at-panghihimasok.html#more
http://theprwcblogs.blogspot.com/
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/2012/09/hinggil-sa-paghahabol-at-panghihimasok.html#more
OTHER HUMAN RIGHTS ADVOCACY PROMOTIONS WEBSITE
PROTECTION AND PROMOTIONS OF HUMAN RIGHTS
---------------------------------------------------------------------------------
---------------------------------------------------
----------------------
---------------------------------------------------
----------------------
0 comments:
Post a Comment