From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links: https://philippinerevolution.nu/angbayan/pamilya-minasaker-ng-afp-sa-himamaylan-city/
Pamilya, minasaker ng AFP sa Himamaylan City
Pinatay ng mga sundalo ng 94h IB ang isang buong pamilya, kabilang ang dalawang bata, noong Hunyo 14 ng gabi sa Barangay Buenavista, Himamaylan City. Pinagbabaril ng mga sundalo habang tulog ang mag-iinang sina Emelda Fausto, 50 taong gulang, at kanyang dalawang anak na sina Raben Fausto, 12, at Ben Fausto, 15. Natagpuang patay si Roly Fausta, 55, ama ng pamilya sa labas ng bahay.
Ang pamilya ay aktibong mga kasapi ng Baklayan, Bito, Cabagal Farmers Association (BABICAFA), samahang magsasaka sa naturang barangay. Ang samahan ay nakarehistro sa lokal na gubyerno ng Himamaylan City at Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa ulat ng September 21 Movement South Negros, bago pa man ang masaker, paulit-ulit nang ginigipit ng mga sundalo ang pamilya dahil sa paratang na sumusuporta sila sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Naunang nakaranas ng panggigipit ang pamilya noong Marso 22, 2022 nang pasukin ng 12 sundalo ang bahay ng mga Fausto. Tinutukan ng kutsilyo si Emelda habang isinailalim sa interogasyon. Matapos nito ay niransak ng mga sundalo ang bahay ng pamilya, ninakaw ang kanilang ipong ₱5,000 at kinatay ang kanilang mga manok.
Pagkahapon, dinakip ng mga sundalo si Roly at inilayo sa kanilang bahay at doon tinalian ng sinturon ang leeg niya at paulit-ulit na pinaaaming may kaugnayan sa BHB. Binugbog at pinagtatadyakan din siya ng mga sundalo. Isinama pa siya sa operasyong kombat ng mga sundalo sa gabing iyon.
Nito namang Mayo 4, sapilitang pinasok ang bahay ng pamilya ng hinihinalang mga sundalo at hinalughog ito nang walang anumang mandamyento. Wala sa bahay ang pamilya nang maganap ang insidente.
Sa tala ng Ang Bayan, ang pamilyang Fausto ang ika-97 hanggang ika-100 biktima ng mga pagpaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Walo na ang biktima ng pamamaslang ng mga sundalo at mga armadong ahente ng estado sa Himamaylan City.
Ang pagtarget sa mga sibilyan sa lugar kung saan may nagaganap na armadong tunggalian ay labag sa internasyunal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.
Gayundin, nakasaad sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions na “ipinagbabawal ang pagsasagawa ng kahit anong hakbang na mayroong katangiang makapagdudulot ng pisikal na pagdurusa o pagpuksa ng pinangangalagaang mga tao…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation…kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”
Partikular na tinukoy naman ng Declaration on the Protection of Women and Children in Emergency and Armed Conflict ng United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1974 na isang krimen sa digma ang “lahat ng porma ng panunupil at malupit at hindi makataong pagtrato sa kababaihan at mga bata, kabilang ang pagkukulong, tortyur, pamamaril, maramihang pag-aresto, kolektibong pamamarusa, paninira sa tirahan at pwersahang pagbabakwit, na isinagawa ng mga pwersang belligerent sa kasagsagan ng operasyong militar nito (Bilang 5).”
CPP/NPA/NDF Website
Article links:
https://philippinerevolution.nu/angbayan/pamilya-minasaker-ng-afp-sa-himamaylan-city/
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
--------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
0 comments:
Post a Comment