From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links: https://philippinerevolution.nu/angbayan/red-tagging-idineklara-ng-korte-suprema-na-banta-sa-buhay-kalayaan-at-seguridad/
Red-tagging, idineklara ng Korte Suprema na "banta sa buhay, kalayaan at seguridad"
Sa isang desisyon na isinulat noon pang Hulyo 4, 2023, idineklara ng Korte Suprema na ang Red-tagging o ang malisyosong pag-ugnay sa mga sibilyan sa armadong kilusan, ay banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng target na mga biktima. Ang desisyon ay kaakibat sa pinaburang petisyon para sa writ of amparo ni Siegfred Deduro, dating kinatawan ng Bayan Muna Party-list. Isinapubliko lamang ang desisyong isinulat ni Associate Justice Rodil V. Zalameda kahapon, Mayo 8.
Ang desisyon ang unang pagkakataong binigyan ng korte ng ligal na pakahulugan ang konsepto ng Red-tagging sa Pilipinas. Ibinatay nito ang gayong pagkilala sa mga ulat ng United Nations Human Rights Council.“Ang pagtatak sa isang tao bilang “Red” o “Pula” ay kadalasang may kaakibat na masinsing sarbeylans, direktang panggigipit, at sa ilang pagkakataon, kalauna’y kamatayan. Sa pag-uugnay sa nired-tag na mga indibidwal sa mga komunista o terorista, nagiging target sila ng mga vigilante, grupong paramilitar o kahit na mga ahente ng estado at dahil dito’y madaling maunawaan kung bakit maaaring matakot ang isang indibidwal na mared-tag na nagsasapanganib sa kanilang buhay at seguridad,” sulat ng Korte Suprema.
Sa desisyon na ito, binaliktad ng Korte Suprema ang naunang pagbasura ng nakababang korte sa petisyon ni Deduro. Ayon sa Korte Suprema, maaaring igawad ang writ of amparo sa mga biktima ng Red-tagging, gayundin ang “paninira, pagtatatak, at pagturing na nagkasala sa pamamagitan ng pag-uugnay (guilt by association) dahil “madali lamang intindihin” na takot na nararamdaman ng biktima dulot nito.
“Ang desisyon ng Korte Suprema na ang Red-tagging ay banta sa buhay at seguridad ng isang indibidwal ay isang malaking ligal na tagumpay at nagpapatunay sa aming matagal nang pahayag na dapat ipagbawal ang Red-tagging,” pahayag ni Atty. Neri Colmenares, chairman ng Bayan Muna. “Dapat maging mulat ang mga nanrered-tag na magsasampa kami ng mga kaso laban sa kanila sa ilalim ng ating mga batas kriminal at sibil.”
Aniya, ang desisyong ito ay dapat magsilbing babala sa mga Red-tagger na ang mga maling pagbibintang at paninira sa mga aktibista ay maaaring kasuhan at ang sinumang gagawa nito ay aaaring makulong.
Malugod na tinanggap ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang desisyon, na sinabi nitong “long overdue” o masyado nang nabalam. Anito, napakahalaga ng desisyon dail malinaw at walang pagdududa nitong kinategorya ang Red-tagging bilang “banta.”
“Ito ay tagumpay hindi lamang sa usaping ligal, hindi lamang bilang patunay na walang sala ang mga sinakdal, o bilang potensyal na panangga para sa mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, at pagkilala sa mga nabiktima nito, isa rin itong malutong na sampal sa nagmamagaling na dati at bagong Red-tagger” ayon sa NUPL.
Ikinatuwa rin ng mga pambansa-demokratikong organisasyon ang desisyon.
“Ang mahalagang desisyon na ito ay isang makabuluhang tagumpay para sa lahat ng mga Pilipino na naging biktima ng panggigipit at pananakot ng estado,” ayon sa Gabriela. Tinawag nito ang desisyon bilang “mariing pagsaway sa nakaraang rehimeng Duterte at sa patakaran ng kasalukuyang rehimeng Marcos Jr na pagsasademonyo (demonize) at pananakot sa mga kritiko nito.”
Panawagan nila, ibasura ang EO 70 at buwagin ang NTF-Elcac na pangunahing nagrered-tag at nagteteror-tag para supilin ang pagtutol ng mamamayan at bigyan-katwiran ang laganap na paglabag sa mga karapatang-tao.
CPP/NPA/NDF Website
Article links:
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
------------------------------------------------------------
-----------------------------
0 comments:
Post a Comment