Thursday, November 21, 2024

Mga maka-kalikasan at demokratikong grupo, nakiisa sa pandaigdigang araw laban sa climate change at imperyalistang gera

 

From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article:   https://philippinerevolution.nu/angbayan/mga-maka-kalikasan-at-demokratikong-grupo-nakiisa-sa-pandaigdigang-araw-laban-sa-climate-change-at-imperyalistang-gera/



Mga maka-kalikasan at demokratikong grupo, nakiisa sa pandaigdigang araw laban sa climate change at imperyalistang gera

Nakiisa ang mga maka-kalikasan at demokratikong organisasyong Pilipino sa isinagawang Global Day of Action Against Climate and War noong Nobyembre 16. Nagsagawa sila ng protesta sa harap ng embahada ng US sa Maynila kung saan tinukoy nila ang US bilang numero unong salarin ng climate change at mga gera sa buong mundo.

Ang pagkilos ay kasabay sa pagbubukas ng COP29 sa Baku, Azerbaijan. Ang COP o Conference of the Parties ay taunang pagpupulong ng mga bansang pumirma sa United Nations Framework Convention on Climate Change. Laman nito ang kaisahan ng mga bansa na ibaba ang dami ng ibinubugang gas ng kani-kanyang bansa na nagdudulot ng pag-init ng planeta at pagbabago sa klima.

“Ang US, na may kabuuang CO2 (carbon dioxide) emission na 509 bilyon tonelada mula 1850, ang may pinakamalaking pananagutan sa sakunang dulot ng pagbabago sa klima sa ating planeta,” pahayagng Kalikasan- Philippine Network for the Environment (PNE). Hindi lamang winasak ng “carbon imperialism” ng US ang mga ekosistema sa planeta, nagtulak din ito ng mga sigalot at nagpalayas sa milyun-milyong mamamayan sa kanilang mga bansa at komunidad.

“Ang militar-industrial complex ng US, ang nag-iisang pinamalaking institusyon ng nagbubuga ng greenhouse gasses, ay patuloy na lumilikha ng mas maraming emission kaysa buu-buong mga bansa, sa ngalan ng “pambansang seguridad” at dominasyon,” ayon sa grupo.

Tinawag ng grupo ang rehimeng Marcos Jr bilang “sunud-sunurang tuta” ng climate imperialism at panunulsol ng gera ng imperyalistang US sa Asia.

“Habang iniinda ng ating mga komunidad ang papalakas na mga bagyo at tumataas na dagat, hinahayaan ni Marcos Jr na dambungin ang ating mga rekurso at imilitarisa ang ating mga teritoryo para sa mga interes ng US,” ayon sa grupo.

Kasabay nito, kinundena ng mga grupo ang rehimen para sa palpak na tugon at kawalan ng paghahanda nito sa mga sakunang dala ng pagbabago ng klima.

“Laging sinisisi ang maliit na mamamayan na biktima lamang ng imperyalistang pandarambong. Kasabwat ng mga naghaharing uri sa iba’t ibang mga kolonya at mala-kolonya gaya ng ating bansa,” pahayag ni Eco Dangla ng alyansang People Surge. Panawagan niya sa rehimen na itigil ang reklamasyon, malakihang pagmimina at pagkakwari at militarisasyon sa kanayunan, kasabay sa pagtigil ng imperyalistang pandarambong at panunulsol ng mga gerang agresyon.

Ayon naman kay Kej Andres, tagapangulo ng Student Christian Movement at nominado ng Kabataan Partylist, itinuturing ng US na “real estate” ang Pilipinas kung saan madali itong makakuha ng likas na yaman sa paraang mapanira sa kalikasan habang ginagawa nitong tambakan ang bansa ng sobrang kalakal na sumisira sa kalikasan. “(B)entahan (din) tayo ng mga armas na made in the USA na ang dulot ay pambobomba sa mga kanayunan at sa mga kabundukan,” aniya.

Iginiit ng mga grupo ang agaran at malawakang pagbabawas ng gastusing militar at emisyon at pagbabayad ng US ng danyos para sa pinsalang idinulot nito sa mga malakolonya at kolonya sa nakaraang siglo. Panawagan nila ang pagtigil ng pandarambong ng US sa mga lupa at likas na yaman ng Pilipinas, na anila’y “nagpahina sa soberanya at integridad ng kalikasan” ng bansa.

“Dapat tahasang itakwil ang presensya ng mga pwersang militar ng US at mapanulsol nitong mga war games sa mga teritoryo ng Pilipinas dahil direktang banta ito sa sustainability (pagpapanatili) ng kapayapaan at kapaligiran ng rehiyon,” ayon sa Kalikasan-PNE.




CPP/NPA/NDF Website



PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

--------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
----------------------------
-

0 comments:

Post a Comment