Wednesday, August 27, 2025

Kampanya para palayain ang Agusan 6, upisyal na inilunsad

 


  

From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article : 
https://philippinerevolution.nu/angbayan/kampanya-para-palayain-ang-agusan-6-upisyal-na-inilunsad/




Kampanya para palayain ang Agusan 6, upisyal na inilunsad

Nagtipon-tipon ang iba’t ibang grupo noong Agosto 23 sa Davao City upang upisyal na ilunsad ang Free Agusan 6 Network, grupong mangunguna sa kampanyang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na Agusan 6. Ang anim ay mga organisador at tagapagtanggol ng karapatan ng mga magsasaka at katutubo sa Mindanao na inaresto noong Hunyo 13 sa isang tsekpoynt sa Bunawan, Agusan del Sur.

Binubuo ang Agusan 6 nina Charisse Bernadine “Chaba” Bañez, Louvaine Erika “Beng” Espina, Ronnie Igloria, Larry Montero, Arjie Guino Dadizon, at Grace “Niknik” Man-aning. Bumibyahe sila mula sa bayan ng Monkayo sa Davao De Oro nang sapilitan silang pinababa, pinadapa at pinalabas na may nakumpiskang mga armas at pampasabog sa kanilang sasakyan.

Matapos ang pagdakip sa anim, kaagad nagpakalat ng impormasyon ang 10th ID, ang National Task Force-Elcac at mga bayarang ahente nito na mga “dating rebelde” na ang mga nadakip ay matataas na lider ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Pinaiigting nila ang kampanya ng pagpapakalat ng ganitong naratibo para palabasing lehitimo ang iregular na pagdakip sa mga biktima.

Malawakang binatikos ng mga grupo sa karapatang-tao ang pagdakip sa Agusan 6. Ayon sa Karapatan-Southern Mindanao matapos ang pag-aresto, “bahagi ito ng mas malawak na padron ng sistematikong paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Marcos.”

Kaugnay ng mga kasong kinahaharap ng Agusan 6, naglabas ng desisyon ang 5th Municipal Circuit Trial Court sa Don Carlos, Bukidnon para sa “provisional dismissal” ng kasong tangkang pagpatay at pagpatay laban kay Bañez at Dadizon. Naiulat din ngayong buwan ang “provisional dismissal” sa kasong attempted homicide laban kay Espina sa Davao Oriental.

Ayon sa network, pinatunayan ng pagkakabasura ng mga kasong ito ang kawalang saysay ng mga kaso at paggamit dito para gipitin at matagalang ikulong ang Agusan 6.

Sa araw ng upisyal na paglulunsad ng network, naglabas ng mga pahayag ng suporta sa laban ng Agusan 6, sa partikular kay Bañez na dating UP Student Regent, ang mga konseho ng mag-aaral ng University of the Philippines (UP) System. Bahagi ang paglalabas ng mga pahayag para sa Agusan 6 ng resolusyong inaprubahan ng UP General Assembly of Student Councils.

Gradweyt ng BA Communication Arts sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) si Bañez. Naging upisyal siya ng konseho ng mag-aaral sa unibersidad at kalaunan ay nahirang bilang Student Regent sa buong UP. Kabataang aktibista rin si Espina mula sa Polytechnic University of the Philippines.

Mula sa mga pamilyang magsasaka sina Dadizon, Igloria at Montero habang isang lider ng kabataang Lumad sa Talaingod si Man-aning. Si Dadizon ay tubong North Cotabato, habang sina si Igloria at Montero ay mula Compostela, Davao de Oro.



CPP/NPA/NDF Website



PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
----------------------------
-

0 comments:

Post a Comment